Linggo, Mayo 19, 2013

6-10: UNANG MARKAHAN

LINGGO 6-10 UNANG MARKAHAN


LINGGO 6:
ALAMAT NI TUNGKUNG LANGIT
NI ROBERTO AÑONUEVO
  Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang
sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko naming kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban. Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad din ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral. Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung
Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hindi
gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray, at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo

LINGGO 7:
SALAMIN
NI ASSUNTA CUYEGKENG

Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.

Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.

Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.

Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.
Canterbury, 1 Mayo 1992

 LINGGO 8:
ANG PINTOR
NI GERRY GRACIO

Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.


LINGGO 9:
IMPENG NEGRO
NI ROGELIO SICAT

BAKA makikipag-away ka na naman, Impen.”

Tinig iyon ng kaniyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kaniyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kaniyang tainga. Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kaniyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Sa sulok ng kaniyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kaniyang kapatid na bunso. Pinasususo.

“Mamaya, baka umuwi ka namang...basag ang mukha.”

Bahagya na niyang naulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nasa tagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. Nagsisikain pa.

Matagal na napako ang kaniyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kaniya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kaniyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ng kaniyang ina ang kaniyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kaniya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kaniyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kaniyang kita sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluytuloy niyang tinungo ang hagdan.

“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kaniyang ina. “Huwag mo nang papansinin.” Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan. Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina.

Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunukso sa kaniya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kaniya, ang malimit magsisimula ng panunukso:

“Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.

“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

“Sino ba talaga ang tatay mo?”

“Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”

Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

“E ano kung maitim?” isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kaniyang batok.

“Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso... Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kaniyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kaniyang ina?)

“Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kaniyang nanay ngayon!”

Noong kabuntisan ng kaniyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kaniyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.

Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kaniyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kaniya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro! Napapatungo na lamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan. Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.

Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.

Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kaniya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.

Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kaniyang tingin. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kaniyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? Naisip niya. Makasasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

“Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”

Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kaniyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kaniyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kaniyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kaniyang anit at sa ibabaw ng kaniyang nguso. May butil na rin ng pawis sa kaniyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kaniyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kaniyang buhok at nabasa pati ang kaniyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon.

Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kaniyang balat. Kay hapdi ng kaniyang batok at balikat.

“Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbibilad. Doon ka sa lamig.”

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.

Napakatagal sa kaniya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

May galak na sumusuno sa kaniyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kaniya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kaniyang balikat. Si Ogor ang kaniyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig.

“Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”

Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kaniya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit.

“Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e,” giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

“Ano pa ba ang ibinubulong mo?”

Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabitawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kaniyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kaniyang mga daliri. Dahandahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!

Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

“O-ogor...O-ogor...” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kaniyang ulo at nangangalit ang kaniyang ngipin. “Ogor!” sa wakas ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kaniyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya.

Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kaniya. Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.

“O-ogor...”

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kaniyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kaniyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumugulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas ng kaniyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kaniyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
Si Ogor...Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor?

Kumikinig ang kaniyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang Makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-sunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.

Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi nang babae ang kaniyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. Papatayin. Papatayinnn!

Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kaniyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdamang sakit.Wala siyang nararamdamang sakit!

Nakakatatlo nang asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro. Negro!

Sa mga dagok ni Ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at naguumiri siyang umigtad. Napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok...

Mahina na si Ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kaniyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

“Impen...”

Muli niyang itinaas ang kamay.

“I-Impen...” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen...s-suko n-na...aako... s-suko...n-na...a-ako!”

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abutabot ang pahingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kaniyang kamiseta at duguan ang kaniyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kaniyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kaniya. Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kaniya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi. Pinangingimian siya!

May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan.

 LINGGO 10:
ANG AMBAHAN NI AMBO:
NI ED MARANAN


Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon, umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya namang pagdilim ng mga ulap, na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan.

Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang. Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig – habang siya ay walang puknat ang takbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kaniyang Ate Anne at mga magulang…

Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon. “Balang araw, Jack,” sabi sa kaniya ni Ambo noong nakaraang araw, “aakyatin natin iyan, hanggang doon sa ituktok, hanggang doon sa mga ulap!”

Lumukso ang kaniyang puso sa sinabing iyon ni Ambo.

“Hoy, di maaaring di ako kasama!” sabad ni Anne, ang matandang kapatid ni Jack.

“Tayong lahat, aakyatin natin ang mga ulap sa Halcon!” wika ni Ambo.

Si Ambo ay isang batang Mangyan. Siya ang matalik na kaibigan ng dalawang taga- Maynilang si Jack at si Anne.

Ngayong umagang ito, parang mabigat ang dibdib ni Jack. Hindi mapawi sa isipan ang kaniyang napanaginipan.

“Naku, daddy, mommy, para pong totoong-totoo! Para nga akong humihingal pa sa pagod paggising ko….,” bulalas ni Jack nang sila’y nag-aagahan na.

“Para namang disaster movie ang panaginip mo!” tudyo ni Anne. “’Yan kasi, palibhasa’y walang mapagpuyatang video dito sa Mindoro, midnight snack naman ang napagtripan, naimpatso tuloy, at muntik nang bangungutin!”

“Dati-rati, panay namang masasaya ang mga panaginip ko,” sabi ni Jack.

Napatingin siya kay Pete, ang kaniyang ama. Tahimik itong kumakain, tila nag-iisip nang malalim.

Iniisip ni Pete ang nangyari kahapon. Silang apat ay dumalo sa pagbibinyag ng isang batang Mangyan. Ang pagbibinyag ay ginawa ng isang dayuhang misyonerong Kristiyano, na ilang taon nang nakikipamuhay sa mga katutubo ng bundok, at sa pag-uugali, pananamit at pananalita’y aakalain mong isa na ring Mangyan.

Maraming Mangyan ang dumalo sa binyag, ngunit hindi sila lubos na masaya, kahit pa man umaapaw ang hapag na kawayan sa dami ng pagkaing-gubat na pinag-ambagambagan ng maraming kamag-anak at kakilala.

Ilan sa kanila ang naglakas-loob na magsalaysay ng kanilang mga karanasan nitong nakaraang mga araw. Isang matandang Mangyan ang huling nagsalita.

“Saan pa po kami pupunta? Itinataboy kami ng mga nagmimina at nagtotroso mula sa aming tinitirhan. Itinataboy kami ng mga nang-aagaw ng lupa mula sa burol. Kami pong mga katutubo ay ipit na ipit na, paatras kami nang paatras paakyat sa bundok, at nalalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. Para nang bulkang sasabog ang aming mga dibdib sa sama ng loob!”

Nasaksihan nina Pete at Tet at ng dalawa nilang anak ang paghihimagsik ng look at ang pagtulo ng luha ng mga Manyan. Nang umiyak si Ambo ay nangilid din ang luha ng magkapatid.

Si Jack at si Anne, na kapuwa tubong-Amerika ngunit laking-Maynila at nakapaglakbay na sa ibayong dagat, ay dinala sa Mindoro ng kanilang mga magulang upang magkaroon ng “kakaibang karanasan” at “katutubong kaalaman”.

Si Pete ay isang doktor. Si Tet ay isang guro, manunulat at mananaliksik. Ilang taon din silang naglagi at nagpakadalubhasa sa Amerika, bago naisipang umuwi sa Pilipinas upang doon palakihin ang dalawa nilang anak. Nanaig sa kanila ang hangaring makatulong sa anumang paraan para sa kanilang mga kababayan, matapos silang dumalo sa isang “solidarity congress” na idinaos sa San Francisco, California, noong panahon ng Batas Militar, ilang taon na ang nakararaan.

Isang delegasyon ng mga aktibista at mga pinuno ng katutubong Pilipino ang nagbigay ng iba’t ibang uri ng pagtatanghal – mga dula at tula, mga sayaw, mga video ng mga pangyayari sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura, lalo na ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga katutubong Pilipino. Ang karaniwang tawag sa kanila ay “mga minorya”, o “mga taong-bundok”, o kaya’y “mga pagano”.

Naantig ang damdamin ng mag-asawa, at sila’y nagtanong kung paano makatutulong ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang mapabuti ang kalagayan ng mga katutubo sa Pilipinas.

“Maaari kayong magpadala ng mga pangkat na magsasagawa ng imbestigasyon sa aming tunay na kalagayan,” wika ng isang kinatawan ng mga Lumad sa Mindanao.

“Maaari kayong sumulat at magsiwalat ng kasamaang dulot ng mga proyektong nakasisira sa kalikasan, at sumasakop sa aming lupaing ninuno,” wika naman ng isang pinuno ng tribung taga-Kordilyera.

“Maaari rin kayong magpadala ng mga manggagamot at mga guro sa aming pook upang bigyan ng lunas ang aming mga karamdaman, at turuan kaming bumasa at sumulat, upang maipaglaban namin ang aming mga karapatan,” payo naman ng isang tagapagsalita ng mga Mangyan.

Ilang buwan pagkatapos nilang dumalo sa kongresong iyon, pabalik na sa Pilipinas ang mag-asawang Pete at Tet, kasama ang kanilang dalawang anak. Sa Maynila na nila papag-aaralin sina Anne at Jack, habang sila’y lalahok sa mga proyektong may kinalaman sa pagtulong sa mga katutubong Pilipino.

Maraming nagtaka kung bakit nagpasiyang umuwi ang mag-asawa, samantalang maaliwalas ang kanilang kinabukasan sa Amerika. At lalo silang nagtaka kung bakit madalas na dumalaw sina Pete at si Tet sa mga katutubo, na nasa malalayong bulubundukin ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao.

Sari-saring palagay at payo ang narinig ng mag-asawa mula sa mga kamag-anak – kabilang na ang kanilang mga magulang – mga kaibigan, at mga dating kamag-aral.

“Bumalik na lang kayo sa Isteyts, alang-alang sa mga anak n’yo! Tutal, sa Amerika kayo nag-aral at nagkaanak, kaya sanay na kayo sa buhay-isteytsayd!”

“Naku, kailangan daw ngayon ang mga doktor at titser sa US, Saudi at Canada! Aplay na kayo! Sabay-sabay na tayong umalis! Wala na yatang pag-asa itong bayan natin!”

“Ano? Medical mission na naman sa mga tribu? Mapagkamalan ka pang isang rebelde, kasi gusto mong tumulong sa mahihirap! Tingnan mo ang nangyari kay Dr. Bobby de la Paz, at Dr. Johnny Escandor!”

Alam ni Pete kung sino ang tinutukoy nila. Mga bayaning doktor na nangasawi habang nanggagamot sa mahihirap sa kanayunan. Pinagbintangan silang mga kasapi ng kilusang rebelde.

“Ano’ng mapapala n’yo sa bundok? Malarya. At ano’ng ibabayad sa iyong paggagamot? Manok, gulay, o kaya’y Diyos-na-lang-po-ang-bahalang-gumanti-sa-inyo! Kelan mo pa mababawi ang daan-libong ginastos mo sa pag-aaral ng medisina?”

“Ha? Ipinagpalit mo ang pagiging propesor sa UP sa pagtuturo sa mga taong nasa bundok, at wala ka pang suweldo?”

Ngunit nangingiti na lamang ang mag-asawa. Malalim ang pagnanais nilang dumamay sa mga kababayan at kalahi nilang wika nga’y tinalikdan na ng panahon at pinabayaan na ng pamahalaan. Sa kaunting panahong nakipamuhay sila sa mga katutubong ito, nagkaroon ng bagong kahulugan ang kanilang buhay bilang manggagamot at guro.

Matuling lumipas ang panahon, at nang malaki-laki na sina Anne at jack, isinasama na sila ng kanilang mga magulang, tuwing bakasyon, sa kanilang medical mission at educational outreach sa iba’t ibang tribu sa Pilipinas. At ngayon ngang taong ito, naisipan ng mag-asawa na bumalik sa Mindoro upang muling dalawin ang kanilang mga kaibigang Mangyan.

Dalawang buwan silang maninirahan sa bayan ng Pinagkamalayan, sa Silangang Mindoro. Ang bayang ito ay nasa mga burol sa paanan ng kabundukang kinaroonan ng matayog na Halcon. Hindi makita halos ang ituktok nito, na tinawag ng mga Mangyan na ‘lagpas-ulap’.

Masigla ang magkapatid habang umaakyat sa kabundukan ang kanilang sasakyan. Ilang kilometro sa Pinagkamalayan, pataas na ang lupa. Dito nagsisimula ang gubat na laging maulap at maulan. Nasa ilang at liblib na pook na iyon ang Bagong Nayon, na siyang kinaroroonan ng mga Mangyang matagal nang kakilala ng kanilang mga magulang. Dito rin nila unang nakilala si Ambo. Halos magkasinggulang si Ambo at si Jack. Payat at may kaliitan si Ambo, samantalang si Jack ay mabulas na bata.

“Bakit hindi ka na nag-aaral?” naitanong minsan ni Jack kay Ambo. Si Jack ay nasa ikaanim na baytang ng elementarya sa Maynila.

“Greyd Tu na ako nang kami’y pinalayas sa aming nayon. Malapit kami noon sa iskul. Dito, kailangan pang maglakad nang napakalayo… kaya tumigil na lang ako… pati ‘yung ibang mga bata, nahinto na rin…”

Malungkot si Ambo tuwing magkukuwento siya.

“Isang araw, may dumating na mga tao, galing sa Maynila. May dala silang… ano ba ‘yun?... papeles yata ang tawag. Magmimina raw sila ng karbon, o kaya’y ginto, sa aming lugar. Sila na nga ang nagpapaalis, sila pa ang galit…”

Marami rin namang tanong si Ambo sa magkapatid.

“Nagtataka ‘yung ibang Mangyan dito. Bakit daw ‘Merkano yata ang mga pangalan n’yo, pati na ang mga magulang n’yo?”

Natawa ang magkapatid.

“Kasi,” paliwanag ni Jack, “sa Amerika kami pareho ipinanganak. Doon nagtapos ng pag-aaral ang mommy at ang daddy…”

“Ang totoo,” wika naman ni Anne, “si Jack ay Santiago at ako’y Anna Maria. Ito ang mga pangalang pinili ng aming lolo’t lola, na may lahi raw Kastila!”

“At ang buong pangalan ng aming mga magulang ay Pedrito at Teresita,” paliwanag ni Anne.

Di malaman ni Ambo kung siya’y mapapatango o mapapailing. Lalo lamang siyang nalito sa paliwanag ng magkapatid.

Ilang linggong nanirahan ang mag-anak sa Bagong Nayon. Masayang-masaya si Jack at si Anne. Marami na silang natututuhan dito, na hindi itinuturo sa paaralan! Ang kabataan ay mahusay humilis ng katutubong biyolin, at kumalanting ng gitara. Tumututugtog din sila ng agung kasabay ng matatanda.

Bihasa rin silang humabi ng damit at maglala ng basket. Nakabubuo rin sila ng mga kuwintas mula sa mga butil at manik, at ng mga pulseras, sinturon at iba pang kagamitan mula sa halamang ang tawag ay níto. Marami rin sa kabataan ang sanay magpatunog ng hihip na kawayan, at gumamit ng sibat sa pangangaso. Si Ambo nga raw ay nakapag-uwi na ng isang maliit na baboy-damo!

At itong si Ambo, gayong napakabata, ay may pambihirang galing sa ambahan. Ito’y isang uri ng tula na binibigkas ng mga Mangyan. May iisang tugma o rima, at bawat linya o taludtod ay pito ang pantig. O kaya’y itinititik ito sa buho ng kawayan sa pamamagitan ng pag-ukit, at gumagamit ng sinaunang alpabetong Mangyan.

“Ang gagaling pala nilang tumula, mommy!” sambit ni Jack sa kaniyang ina.

“Mayaman ang katutubong kultura, anak, at malungkot isiping baka ito’y tuluyan nang mawala dahil sa pagpasok ng mga dayuhang nais lamang pagkakitaan ang yaman ng lupa…”

Nag-alay si Ambo ng ambahan sa magkapatid. Si Tet ang nagsalin para sa kanila:

Kaibigang dumayo                               kundi awit ng tao
sa malayo kong kubo                     kundi ang pangangaso
masanay kaya kayo                       kundi kislap sa damo
sa hirap ng buhay ko                      pagkalipas ng bagyo.
walang aliwan ditto            

Isang araw, isinama ni Ambo si Jack at si Anne sa loob ng gubat. Dala nito ang kaniyang sibat, sakali’t makasabat sila ng baboy-damo sa kanilang paglalakad. Tahimik na tahimik ang gubat, maliban sa huni ng ibon, kaluskos ng dahon, at anas ng banayad na hangin.

Payat man ay malakas at maliksi si Ambo. Si Jack at si Anne pa nga ang patigil-tigil, habol ang paghinga. Natatawa lamang si Ambo, at matiyaga niyang inantay ang mga kaibigan.

Wala silang imikan halos. Ilang oras na silang naglalakad sa gubat. Wala pang natutudla ang sibat ni Ambo. Ngunit siyang-siya naman ang magkapatid sa namamalas nilang tanawin. Anong yamang pala ng gubat sa luntiang halaman, mga ligaw na bulaklak na matingkad ang kulay, maiilap na hayop, at mga ibong umaawit!

Nakarating sila sa isang mabatong gulod. Mula rito’y tanaw nila ang malayong dagat. Maya-maya’y nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat. Nayanig ang bundok sa lakas ng kulog. Bumuhos ang ulan.

Sumilong ang tatlo sa isang yungib. Doon na sila inabot ng ginaw at gutom. Di naglaon ay humupa ang unos sa bundok.

“Bumalik na tayo,” sabi ni Ambo. “Mukhang sasama pa ang panahon.”

Maingat silang bumaba sa nagputik na dalisdis ng bundok. Nang bigla, nakarinig sila ng ingay, parang hinahawing mga dawag. Papalapit sa kanila ang ingay na iyon.

“Kubli!” anas ni Ambo.

Nagtago sila sa ilalim ng isang nakayungyong, mayabong na pako, sa likod ng matatayog na puno. Nag-antay sila. Inihanda ni Ambo ang kaniyang sibat.

“Baka baboy-damo na!” usal ni Jack, na bagama’t nananabik ay nanginginig naman at kinakabahan.

Sa halip, ang lumitaw ay isang pangkat ng mga lalaki at babae. May dalang baril ang mga ito, at may pasang mga knapsack sa likod. Masaya silang nag-uusap, bagama’t mukhang hapo. Ang iba sa kanila ay Mangyan.

“Kilala ko sila,” bulong ni Ambo sa magkapatid.

Hindi sila nagpakita. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Jack at ni Anne nang sila’y muling lumakad.

Pagkaraan ng mga isang oras ng maingat na pagbaba sa kabundukan, sumigaw muli si Ambo.

“Kubli!”

Nagsumiksik sa ilalim ng isang punong ibinuwal ng bagyo. Sa pagitan ng mga nagusling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng mga nag-usling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng bagong ingay. Papalakas ang mga yabag at mga tinig. Lumitaw mula sa makapal na dawag at kakahuyan ang isang pangkat ng kalalakihan.

Nakasuot sila ng unipormeng batik-batik at kulay-berde, nakagora ng itim, at sandatahan. Nakapulupot sa kanilang katawan ang tila ahas na lalagyan ng kanilang mga bala. Mabalasik ang kanilang anyo, palinga-lingang anaki’y may hinahanap o tinutugis na kaaway o tulisan.

Parang pinitpit na luya ang tatlong bata. Wala silang katinag-tinag. At wala silang imikan nang magpatuloy sila sa pagbaba ng bundok.

Lumakas uli ang ulan. Sala-salabat ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Sa pagitan ng malalakas na kulog ay parang may narinig silang sunod-sunod na maliliit na kulog sa di-kalayuan. Mga putok ng sandata.

Matuling lumipas ang dalawang buwan, at natapos ang bakasyon ng magkapatid. Malungkot silang nagpaalam sa mga taga-Bagong Nayon, lalo na kay Ambo. Babalik kami sa isang taon, pangako ‘yan!” sabi ni Anne.

“Aakyat uli tayo sa bundok!” nakatawang sabi ni Jack.

“Kung… narito pa kami…,” mahinang tugon ni Ambo.

Nagkaroon ng simpleng seremonya ang Bagong Nayon bilang pasasalamat kina Pete at Tet sa kanilang pagtulong. Maraming nagamot si Pete. Marami rin siyang natutuhan tungkol sa mga likas na panlunas na matatagpuan sa kagubatan. Marami naming naturuan si Tet sa pagsulat at pagbasa. Marami rin siyang natutuhang mga ambahan, awit at mga alamat mula sa mga kaibigang Mangyan.

“Dapat din kaming magpasalamat sa inyo,” tugon ng mag-asawa sa kanilang pamamaalam. “Marami kaming natutuhan sa inyong lahat, at maging ang dalawa naming anak ay namulat sa napakaraming kaalaman ng mga katutubo!”

Bago sila umalis, bumigkas uli si Ambo ng isang ambahan para sa kanila:

Paalam, kaibigan
salamat sa pagdalaw
sana’y di malimutan
malayong kabundukan
ay laging naghihintay
nananabik ang buhay
sa ating katuwaan
hindi ito paalam
masayang paglalakbay!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento